Thursday, May 6, 2010
Tong-Its
Laro. Libangan. Bisyo. Laban.
Dati ko nang alam ang tong-its. Hindi ko na nga matandaan kung pa’no ko ito natutunan. Ngunit dahil matagal na halos ito ay aking nakalimutan. Kaya kailangan ko ng refresher course bago muli akong maglaro. Muling aralin ano ba ang mga moves na dapat at diskarte para mabuo ang mga baraha.
Laro. Nakakatutuwa, nakakalibang, magandang pampalipas ng oras. Bonding sa barkada. At ehersisyo rin sa kamay. Mainam din na gawain para maging matalas magbilang. Mind game at diskarteng swabe.
Libangan. Nakakaaliw na pwedeng maging katuwaan. May nakataya bang piso o tatanungin ng nosebleed na tanong ang talo? O kantyaw lang sa talunan sapat na. O kaya naman di ka kasali sa sunod na hatian ng baraha.
Bisyo. Kung kalabisan na at nakasasama. Kung may diskarteng madaya at panlilinlang. Kapag ito ay naging natatanging paraan at dahilan ng mga bagay bagay. Marahil hindi na ito maganda—kailangang aralin na kung paano lumaya sa hiwaga ng baraha.
Laban. Oo nga naman sa hatian pa lang ng baraha nagnanais na mahawakan ang magandang kumbinasyon. Swerte nga ba o diskarte? Ano man ang dahilan at paraan patas kang lumaban. Nasa bandang huli tatawa at mag sasabi ng “tong-its” o kaya naman maging mapagmatyag na kung imposible na lumamang ka na lang sa bilangan. Basta hanggang huli tuloy mo ang laban.
Ang tong-its parang pag-ibig. Laro. Libangan. Bisyo. Laban. Kung ano ang makabubuti at tunay patuloy na panghawakan. Gaano man ito nag bibigay ng ligaya ito ay higit at mas makahulugan sa laro at libangan. Kung sobra na ito marahil ay bisyo na dapat nang pakawalan. Matalo ka man o manalo huwag kang susuko hanggang hindi pa tapos ang laban. Gaya ng pag-ibig gaano ka man kagaling minsan hindi pa rin dahilan upang mapanalunan ang bawat laban. Ang puso gaya ng baraha may kakaibang hiwaga at mahika.
Ano ang kwentong tong-its mo?
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment