Thursday, July 8, 2010

Hang Over


Hang over

[para kay guru R, strawberry at sa mga nagmahal ng totoo kahit nabigo]

Akala ko buko juice lang solve na ang lahat, magiging okey na. Total ito na ata yung isa sa pinakamagaling na naimbento upang maging comfort food. Pero matapos mag pakalunod sa madrama at mahabang usapan may tinatawag pa lang hang over.

Matagal ko nang sinabi na ayoko na. Tapos na. End of Contract na. Erase na, Delete na. Kandado na. Pero kahit gaano kasakit ang alaala mo ay pilit nananatili. Tila ba ayaw kumawala kahit pilit na tinataboy ng mga luha. Mahigpit na kumakapit kahit lubusan nang winawaglit ng isip.

Oo aaminin ko minsan sa pagtunog ng cellphone ko umaasang ang boses mo ang magsasabi ng hello. Pigil ko ang sarili na huwag kang itext. Minsan na ring binura ang number mo pero bakit kahit pilit limutin ay memoryado ko pa rin. Tinitikis ko lang na ifolow ka sa twitter. Pero minsan, dinadalaw ko pa rin ang fs, fb, multiply at blog mo. Aaminin ko na may konting pag-asa pa rin sa puso na sana ay mabanggit man lang ako sa entries at status messages mo. Nakakalungkot din pala ang malamang okey ka na kahit hindi mo ako kasama. Buti na lang bihira tayo magkatagpo sa downtown--salamat na lang siguro medyo magaling ako umiwas o marahil iba na talaga ang iyong landas. Pero tuwing sisikat ang araw at magsasabi ako ng “good morning sunshine” hiling ko na naririnig mo. At ang liwanag ng buwan na nagpapangiti sa akin sana ay natatanaw mo rin. Gaano man kahirap at kasakit, kailangan kong tanggapin na kahit may araw, buwan, bituin at bahaghari ikaw pa rin ang mundo ko.

Akala ko buko juice lang solve na. Hindi pala gaya ng hang over na masakit sa ulo, sa letting go at moving on ay para bang nilalagnat ang puso ko.

Nung simula pa man, alam ko na hindi sigurado ang patutunguhan. Tila isa akong sundalo na nahaharap sa digmaan –kapayapaan ang hiling ko ngunit ang paraan ay digmaan. Ganoon din ang puso—nagnanais magmahal ngunit tila dadaan pa sa napakahirap na daan. Kagaya sa digmaan hindi alam kung magwawagi sa minimithi. Ang tanging pinanghahawakan ko ay ang damdaming nag-aapoy sa puso.

Tiyak na lilipas din ito kung kelan at paano ko itatawid yun ang hindi sigurado. Hay! itagay ko na lang baka sakaling kahit saglit man lang maibsan ang kalungkutan. Bukas ko na lang haharapin ang hangover.

Via Yang

No comments: